PANALANGIN NG KAPAYAPAAN PARA SA INANG BAYAN

PeaceJIL36

Sa pangunguna ng Mahal na Pangulo ng Pilipinas, Benigno Simeon Aquino III

Aming Amang sumasalangit, tulutan N’yo po ang Inyong lingkod, bilang ama ng bansang Pilipinas, na manikluhod, kasama ng aking mga kababayan. Batid po namin ang katotohanang hiwalay sa Inyong Dakilang presensya ay hindi namin makakamit ang tunay na kapayapaan. Kapayapaang matagal na po naming ipinaglalabang makamit ng aming bayan.Ngunit bantad po sa inyo, aming Panginoong Hesus, ang mga kasamaang pilit na numananakaw ng kapayapaang ito – gutom, kahirapan, at iba’t ibang uri ng karamdaman; maging ang dibisyon sa lipunan, pagnanakaw, pagpatay, pagtutunggali sa kapangyarihan, at iba’t ibang kasamaang dulot ng kasakiman. Kaya’t kami po’y naninikluhod sa Inyong harapan upang humiling ng isang napakalaking bagay – biyayaan po Ninyo ng tunay na kapayapaan ang aming bayan. Tunay na kapayapaang nagmumula sa Inyong dakilang pag-ibig – na nagbubuklod, na kayang pagaanin ang pasanin ng aming bansa, kayang magbigay ng pag-asa sa aming mga kababayan, at kayang palakasin ang aming mga bisig upang kami’y lalo pang magtuwang-tuwang tungo sa daang matuwid… sa daan ng kabanalan… sa daan ng tunay na tagumpay.Ang lahat pong ito ay inaangkin namin sa Pangalan ng aming Panginoong Hesus,

AMEN.

To top